Walang humpay na pananampalataya at paniniwala ng mga Pilipino sa mga himala at tila imposibleng mga bagay, ganito ipinakita ang kulturang di nagigiba sa pelikulang "Himala"
PLOT by wikipilipinas:
Sa Cupang, isang maliit na bayan sa probinsya, dinaranas ng mga taong naninirahan doon ang tagtuyot kung kaya naman pinaniniwalaan nilang isinumpa ang kanilang lugar nang itaboy nila ang isang maysakit na tao ilang taon na ang nakararaan.
Si Elsa, dalagang nakatira roon, ay nakita ang Mahal na Birhen sa tuktok ng isang burol. Noong una'y walang naniniwala sa kanya. At kahit ang kanyang ina-inahan ay pinagalitan pa siya sa kanyang pagkukuwento. Ngunit ilang araw matapos noon, nagsimula na siyang magpagaling ng mga residente ng Cupang. Tinulungan siya ng kanyang matagal nang kaibigang si Chayong, at isa pang taga-roon na nagngangalang Sepa.
Dahil doon, pumunta na ang maraming tao sa Cupang, maging mga dayuhan, para bumisita sa tinawag na nilang "Elsa's Shrine". Kasabay nito, nagsimula na rin ang kasakiman. Ang ilang mga residente ng Cupang ay nag-umpisang magtayo ng iba't ibang negosyo para lamang kumita ng maraming pera mula sa mga turista.
Si Orlie, isang taong gumagawa ng pelikula, ay pumunta sa bayan para imbestigahan ang nagaganap na kaguluhan at higit sa lahat, si Elsa. Si Nimia, isa pang kaibigan ni Elsa mula pagkabata, na ngayo'y isa nang bayarang babae ay dumating mula sa isang madilim na kahapon sa Maynila. Umuwi siya sa Cupang para magtayo ng cabaret para sa mga turista. Ngunit ilang araw pagkatapos, kinailangan nitong magsara dahil samga reklamo ng ilang mga residente.Sina Elsa at Chayong naman, na patuloy pa ring umaakyat sa burol para manalangin sa Mahal na Birhen, ay nagahasa ng dalawang hindi makilalang lalaki. Ang hindi alam ng marami, nakunan ito ng kamera ni Orlie.
Nagkaroon naman ng epidemya ng kolera sa Cupang, at maraming mga bata ang namatay. Apektado maging ang mga anak ni Sepa. At kahit na nagpunta si Elsa para dasalan at pagalingin ang dalawang ito, namatay pa rin sila. Noong gabi ding iyon, nagbigti si Chayong nang dahil sa panggagahasang ginawa sa kanya. Matapos ang lahat ng pangyayari, sinisi ni Elsa ang kanyang sarili.
Unti-unti na ring nag-aalisan ang mga turista dahil sa mga pagkamatay na nangyayari at dahil na rin sa pagpatay sa mayamang Intsik na dumayo rin para kay Elsa. Nang inakala ng lahat na minalas na naman ang kanilang bayan, kumalat ang balitang nagdadalantao si Elsa. Dahil sa hindi alam ng mga tao na nabuntis siya dahil nagahasa, tinawag nila itong "Immaculada Concepcion".
Kasabay noon, biglang umulan matapos ang pagkatagal-tagal na panahon. Kung kaya naman tuluyan nang inisip na ng mga tao na nagbalik na muli ang himala sa kanilang bayan at tinanggal na ang sumpang ibinigay sa kanilang bayan. Matapos ang lahat, ipinatawag ni Elsa ang lahat na magtipon-tipon sa burol na kanyang pinupuntahan. Dito'y inamin niyang walang mga himala, walang nagpakitang Mahal na Birhen at walang mga pangitain. Sinabi niyang ang tao ang siyang gumagawa ng mga diyos, himala, sumpa at kung anu-ano pa. Hindi pa siya natatapos magsalita nang biglang may bumaril sa kanya sa harap ng napakaraming mga tao.
Kaya nagkagulo ang lahat at nagtakbuhan sa iba't ibang direksyon. Ang mga matatanda at mga maysakit naman ay nadaganan ng mga taong nagmamadaling lumayo. Namatay si Elsa na katabi ang kanyang ina ngunit dinala ang kanyang katawan patungong ospital. Si Sepa naman na patuloy na naniniwala sa kanya, ay namuno sa lahat ng mga taong naroon pa rin na magdasal ng Aba Ginoong Maria habang nakaluhod paakyat muli sa burol.
CRITICISM:
Definitely, maganda ang pag-arte ng mga artista sa pelikulang "Himala", magaling talaga si guy sa pag-arte niya sa role niya dito. Maaring babad ang mga kuha dito dahil ang tagal lumipat ng frame, pero nadala naman ito ng pag-arte nila at ng istorya kung saan pinapakita ang walang patumanggang pananampalataya at paniniwala ng Pilipino sa himala.
Kung sa visual ay di ko gusto ang pelikulang ito, nguni't kung sa pagpoportray o characterization at sa kabuoang istorya ay napakaganda nito. Mula sa trauma ng magkaibigan sa pagkakarape at sa mga mamayang gustong mapagaling lahat at sa mga namatay na mga tao ay naipakitang parang reality ang mga ito.
Ang isang gusto ko rin sa pelikulang ito ay ang scenery at production design nito, dahil makikita na ang Cupang ay isang lugar na talagang mahirap at natural lang na tila maniwala ang mga tao sa kung anumang himala para maiahon sila rito. Ang tila disyertong lugar na di nauulanan ay mahusay na naipakita sa pelikulang "Himala".
Maaaring may kulang sa kabuoan ng pelikulang ito, pero sigurado na dapat purihin ang gumawa ng istorya nito (Ricky Lee) at ang director nito (Ishmael Bernal)
-KRT
No comments:
Post a Comment